Search This Blog

Monday, March 4, 2013

Paulit-ulit?

Sadyang may mga bagay sa mundo na gusto nating makuha dahil talagang gusto natin. May mga bagay naman na gusto natin pero okay lang kung hindi natin makukuha. 'Yung iba naman, okay na okay talaga kahit wala sa atin. Nang dahil sa sobrang dami na mga bagay na nililikha ngayon, dumarating sa punto na wari bang mahirap na maging kuntento kung ano lang talaga ang meron tayo. Eh kesyo gusto ko nito, gusto ko niyan. Ayaw ko nito, ayaw ko niyan. Pero dahil hindi lahat ng bagay ay nagtatagal, may mga pagkakataon na kung ano pa 'yung pinakagusto natin, 'yun pa ang nawawala. Na kung saan minsan, nanlulumo, nalulungkot o nasasaktan pa tayo sa mga nawalang bagay sa atin sa maraming dahilan, makabuluhan man o hindi. Tulad na lamang ng pagkawala ng pinakapaborito na mamahalin mong ballpen. Ang mas masaklap pa, nakita mo nalang isang araw na hawak-hawak na siya ng kinaiinisan mong kaklase. Ang sakit nga naman diba? Ika nga nila, parte na 'yan ng buhay ng tao. Hindi na bago sa pandinig. Para bang mga oldies music na paulit-ulit mo pa ring naririnig hanggang ngayon. 

Subalit kung minsan naman, hindi lang sa mga bagay tayo nagiging sentimental. Dahil sa aminin mo ma't sa hindi, mas masakit kapag tao ang nawala sa iyong buhay. Sumakabilang buhay, umalis, lumayas, nang-iwan o kahit ano pa, mahirap tanggapin ang pagkawala lalo na't malaki ang naging parte ng taong iyan sa buhay mo. Ngunit sabi na naman nila, sa tuwing may umaalis, may dumarating. (Sinabi lang 'yun nila para hindi ka manlumo. LOL.) May dahilan kung bakit sila nawawala sa atin at ito ay para malaman natin kung gaano nga ba sila kahalaga para sa atin. Pero kailangan pa ba nilang mawala para lang malaman natin ang kanilang kahalagahan? Pwede oo, pwede rin hindi. Oo, dahil dapat natin matutunan na walang panghabambuhay na bagay sa mundo. Hindi, dahil may mga tao na sadyang dapat mawala sa buhay para sa ikakabuti natin.

Pero paano kung nawala ang isang tao sa buhay mo at pinagsisihan mo pero bumalik ulit? Kaya lang, pinakawalan mo na naman ulit? Matatawag mo bang katangahan iyon? Pinagsisihan kong mawala siya dati dahil alam ko kung gaano kalaki ang puwang ko sa puso niya, kung gaano niya ako aalagaan, kung gaano niya ako papasayahin at kung gaano niya ako mamahalin ng sobra. Subalit ang masaklap doon ay ni hindi ko man lamang kayang suklian ang mga iyon. Kaya't alam kong hindi mabuti na gagamitin ko lang ang kabaitan niya para lang sa aking kasiyahan. At nagkalaunan, pinakawalan ko siya. Matatawag mo bang katangahan iyon? Sa huli, nagsisi ako. Pinagpalit ko siya sa isang taong hindi ako kayang pahalagahan. Oo, nagkamali ako. Matatawag mo bang katangahan iyon? Nagmahal ako ulit. Gaya ng dati, nasaktan at iniwan rin. Ilang buwan ang lumipas, isang malaking coincidence ang magkita kami ulit. Bumalik din sa dating gawi hanggang dumating sa punto na umamin siya. Pero 'yun 'yung mga panahon na, katulad din ng dati, hindi pa ako nakawala sa nakaraan. Katulad din ng dati, iniwan ko na naman siya. Katulad din ng dati, hindi ko pa rin kayang suklian ang kaya niyang maibigay sa akin. Matatawag mo bang katangahan iyon?

Ganun na siguro 'yun , ano? Na kahit nawala na sa atin, eh kapag bumalik binibitawan pa rin. Hindi dahil hindi natin alam ang kahalagahan nila kundi dahil ayaw nating mas masaktan pa sila. Dahil sa pagmamahal, hindi dapat sarili lang ang iniisip. Hindi dapat makasarili.

Hindi ko na alam kung saang lupalop ng mundo na siya naroroon. Hindi ko na alam kung ano na ang ikinasasaya niya ngayon. Pero kung ano man 'yun, masaya ako para sa kanya. Masaya ako dahil nagawa niya pa rin akong patawarin at palayain. Mahirap man ibalik ulit ang dating pagsasamahan bilang magkaibigan, basta't ang mahalaga wala nalang sanang limutan.

No comments:

Post a Comment