Search This Blog

Tuesday, September 25, 2012

Lintik Na Pag-ibig

Ilang beses mo na bang narinig ang salitang pag-ibig? Ilang beses mo na bang naramdaman 'to? O di kaya, ilang beses ka na bang nasaktan dahil dito?

Mahigit tatlong taon na ang nakalipas nang maranasan kong muli kung paano umibig sa isang taong waring bumubuo ng pagkatao ko. Ang pagkakakilala naming dalawa ay sadyang pinakamasayang kabanata ng buhay ko. Nasabi ko tuloy sa sarili ko, "Parang siya na nga...". Isa siyang fourth year Civil Engineering ng mga panahon na 'yun. May talento sa pagkakanta at paggigitara. Isang bokalista sa kanilang banda. Hindi ko alam kung sinadya ba talaga ang pagkikita namin pero nakita ko agad sa kanya ang lahat ng gusto ko sa isang lalaki. Ideal guy kung baga. Pero 'yung salitang ideal sa akin ay napalitan ng salitang real. Para hindi pa pataasin ang kuwento, matapos ang isang buwan nang makilala ko siya, akalain mo ba naman na ang lalaking pinapangarap ko lang dati ay ang lalaking nagmamahal na sa akin. Sobrang saya ko nun! Tagos to the heart ang pana ni kupido! Ang mahigit tatlong taon na pagsasamahan ay napuno ng maraming ala-ala. 'Yung mga panahon na sobrang saya niyong dalawa, mga panahong nag-aaway dahil sa selos, mga panahong naghihiwalay dahil sobra-sobra na ang sakit na nararamdaman at ang mga panahong nagkakabalikan din sa huli dahil alam niyong mahal na mahal niyo ang isa't-isa. Oo, halos ganyan ang takbo ng relasyon namin sa loob ng tatlumpung dalawang buwan ng aming pagsasamahan. Pero kahit pa naging parang roller coaster ang relasyon namin, wala 'yang binatbat sa pagmamahalin naming dalawa. Love conquers all ika nga nila diba? Masaya pa rin ako, masayang-masaya. Buong-buo ang pagkatao ko dahil sa kanya.

Pero tulad ng roller coaster, matatapos at matatapos rin 'yung kasiyahan mo sa pagsakay. Apat na buwan bago ang third anniversary namin, nag-iba ang takbo ng aming pagsasamahan. Mahirap isipin pero di ko pwedeng i-deny. Masasaktan at masasaktan din ako kung ipagpapatuloy ko pa dahil mahirap ipaglaban ang nasimulan kung mismo 'yung taong naging rason ng pagiging matatag ko sa pag-ibig ay ang taong unang bumigay. He gave up. Nu'ng una inakala ko pang 'di rin magtatagal at maayos din namin 'to. Pero lumipas ang ilang araw, linggo at buwan... Walang nagbago. Nawala nalang ng parang bula ang lahat. Naging tagos to the heart ang sakit na nararamdaman. 'Yung tipong ayaw mo nang magising dahil alam mong babalik at babalik pa rin 'yung paghihirap mo sa pag-move on. How can I forget the man who gave me a lot of memories to remember? Pero alam kong wala akong mararating kung ganito nalang ako parati. Naranasan ko na ito dati, ngayon pa ba ako susuko? Oo, kaya ko, kakayanin ko. Pero ang hindi ko inakala na mas sasaktan pa niya ako maliban sa kanyang pang-iiwan. Mas lalo akong nanlumo nang malaman ko nalang na nagkaroon agad siya ng bagong girlfriend. Aaminin ko, hindi ako nasaktan na nagkaroon siya ng bago, dun ako nasaktan na parang ang dali-dali lang sa kanya para palitan ako. Bumiyak ulit yung pusong pilit ko nang kinukumpuni. Matapos lang ng isang buwan ng hiwalayan, may bago kaagad? Nu'ng una ayaw kong maniwala dahil baka pinapaselos niya lang ako pero nu'ng siya na mismong nagsabi sa akin, hindi ko alam kung totoo ba talagang minahal niya ako dati. Hindi ko alam kung pampalipas lang ba ako ng oras at kung ayaw na ay bigla nalang iiwanan. Gulong-gulo ako sa mga panahong 'yun. Wari bang mas binibigyan pa niya ako ng rason para kamuhian ko siya dahil sa mga ginawa niya.

Pero kahit binagsakan na ako ng ilang pader pinilit ko pa ring bumangon. "You deserve someone better" sabi pa ng iba sa akin. Hinding-hindi ako susuko dahil lang sa isang lalaki. Alam ko sa simula mahirap pero alam ko rin na sa huli, everything will be worth it. OA man siya pakinggan pero kailangan kong kalimutan ang lahat-lahat na kumukonekta o namamagitan sa aming dalawa nang sa gayon mas madali mo ring kalimutan hindi lamang 'yung tao pero pati na rin 'yung sakit na binigay niya. Sa loob ng apat na buwan, unti-unti kong nairaos ang aking sarili. Naging masigla ulit ako. Mas naramdaman ko na maraming taong nagmamahal sa akin na mas karapat-dapat kong bigyan ng pansin. Unti-unti kong naintindihan ang mga nangyari dati. Mas naging optimistic na ako. Maaari ngang may dahilan kung bakit hindi kami nagtagal. Dahil sa bawat bagay na umaalis, may bagong darating. At sa bago na 'yun, mas mamahalin tayo ng totoo, mas aalagaan at pahahalagahan tayo ng mabuti. Ang inakala kong tapos na ay parang nagpatuloy ulit. Habang nagkakasiyahan kami ng mga kaibigan ko, hindi ko inaasahan na darating din siya. At dahil sa mga taong kasama ko nu'ng araw na 'yun ay kilala niya maliban sa isang lalaki na kaibigan ko rin, naisip niya kaagad na baka siya ang aking bagong boyfriend. Doon lumabas ang katotohanan. Nasaktan siya na halos magwala sa harapan ko dahil 'di raw niya matanggap na napunta na ako sa iba. Nasaktan siya na halos sinabihan na niya ako na gagawin niya ang lahat, iiwanan niya 'yung girlfriend niya para lang sa akin, magbabago na siya, at kahit ano pang mga salita na pakiramdam kong hindi na totoo. Aaminin kong hindi pa ako fully na nakapag-move on pero gugustuhin ko man na bumalik siya, takot na akong masaktan niya ako ulit. Parang naging laruan nalang kasi ako, iniwanan dahil ayaw na tapos babalikan lang kung kailan may gusto na naman. Ayun! Nakayanan kong umayaw! Pero ayun ulit, ang inakala kong tinapos ko na, magpapatuloy na naman.

Single na raw siya. Nag-two time raw sa kanya 'yung babae. Napasabi tuloy ako sa sarili ko, "Nakahanap ka rin ng katapat mo. Buti nga.". Hindi dahil sa natuwa ako sa kinahinatnan ng buhay niya pero dahil naranasan din niya kung gaano kasakit ang iwanan. Nawa'y matuto na nga siya sa kanyang mga mali matapos ang lahat na mga nangyari. At heto na naman siya, waring sumusuyo ulit. Oo na, hindi na ako magde-deny. Pinatulan ko rin 'yung trip niya. Hanggang dumating sa punto na ang inakala kong sasakyan ko lang na trip niya ay parang naging seryoso na. Bumalik kami sa dating gawi na parang naging friends with benefits ang nangyari sa aming dalawa. Parang kami pero wala lang commitment. 'Yun bang tinatawag nilang pseudo-relationship. Parang mas naging komportable nalang kami sa ganito. Hindi nakakasakal, walang away o pagtatalo pero ang problema, wala kang karapatan magselos o masaktan dahil 'yun nga. . . Kaibigan lang kayo. Akala ko okay na kami sa ganito, hindi pala. Lalo nu'ng nalaman kong may ibang babae rin siyang sinusuyo. Naramdaman kong parang namamangka na siya sa dalawang ilog kung saan ay sobrang unfair sa akin. Bumalik ang aking pagiging topakin. Hindi ko na dapat ginawa eh pero sinikap ko paring ipaglaban siya. Sinubukan kong ipaalam dun sa babae kung ano ang sitwasyon namin ng ex ko. Implied sa mga sinabi ko sa kanya na dumistansya muna siya. Pero parang ayaw niya. Dun ko naramdaman na maaaring minahal niya na rin yung ex ko. Hindi na ako nakipagdebate pa sa babae dahil dun pa lang sa ginawa ko, parang pinag-aagawan namin yung lalaking 'di naman karapat-dapat pag-agawan. Isa rin sa mga naging dahilan ko kung bakit ko siya pinagsabihan ay dahil hindi pa niya alam kung ano ang tunay na pagkatao ng lalaking 'yun. Dahil kahit sabihin pa ng ex ko na may nararamdaman siya para dun sa babae, sa huli't-huli, sa akin pa rin 'yan maghahabol. At ano na naman ang mangyayari? Mang-iiwan na naman siya ng babae para balikan ako? Hindi naman sa ibig sabihin na ganito ako ka-feeler pero, swear, may sira na yata talaga sa ulo 'yung ex ko.

Hindi naglaon at napag-isipan kong TAMA NA. Hindi ako mangangako pero sisikapin kong itigil na. As much as I love him and wanted him so badly, I need to let him go. Dahil kung ako ang mahal niya, ako ang ipaglalaban niya. Pero nu'ng iniwasan ko na siya, panay naman ang pagtawag at pagpapadala ng mga text messages sa akin. Ilang araw din niya ginawa 'yun. Hindi ko sinagot. Hindi ko pinansin. Hanggang sa tinanong niya ako, "Ayaw mo na?". Sasagot na sana ako ng, "Sa alin? Ang makipaglaro sa'yo?" pero hanggang sa isip ko lang sinabi 'yun. At para may official statement sa both parties, pinayagan ko nalang siyang makipagkita sa akin. Usap... usap... usap... Deal. Napag-desisyonan namin na lie-low  muna kami. 'Yun bang real definition of what is friendship na dapat kami. Nang sa gayon, maayos muna namin ang mga sarili at kapag dumating man ang panahon na okay na ang lahat, let's see what will happen next agad ang drama. Dahil kung kami, KAMI TALAGA.

Saturday, September 8, 2012

Ang Tunay Na Lalaki

Wala akong magawa kasi nga weekend na. Wala rin akong balak lumabas ng bahay dahil inatake na naman ako ng katamaran. Ang ending, nakatunganga sa bahay. Napag-isipan ko nalang mag-log in sa Facebook. As usual, tingin sa notifications, mag-reply sa mga posts na may mga komento o magbasa ng mga nilalaman ng News Feeds. Maya-maya, may isang post galing sa kaibigan ko ang nakaagaw ng aking pansin. Nung una naisip ko na sobrang haba at nakakapagod basahin. (Eh kasi nga tinatamad diba? LOL.) Pero dahil na-curious ako, pinagpatuloy ko ang pagbabasa. Heto yun:

MESSAGE FROM A GUY (A Man's point of view)

“Ang mga babae, madaldal/mabunganga.” Oo, wala talagang tigil ang bibig nila sa pag-ratsada sa kakasalita. Lalo na sa tuwing pinapaalala nila sayo na oras na para inumin ang iyong gamot, kapag nagtatanong sila kung kumain ka na ba, kapag ginising ka nila sa umaga upang hindi ma-late at sa
mga pagkakataon na nag-aalala sila sayo at tinatanong kung nasaan ka na at bakit hindi ka pa umuuwi. Walang duda, madaldal nga. Hayaan mo na, balang araw, siguro magbabago din sila. Tipong maririnig mo lang ee “Oo”, “Hindi” at “Pwede”. Para kayong naglalaro ng Pinoy Henyo. Romantic siguro ng buhay niyo nun.

“Ang mga babae, masyadong sentimental.” Sinabi mo pa. Tandang tanda nga nila ang petsa at lugar kung saan kayo unang nag-date, isinulat niya rin sa kanyang diary kung ano ang mga ginawa ninyo, nakatago at ingat na ingat siya sa mga larawan niyong dalawa, daig pa niya ang Smithsonian sa pag-aalaga ng mga iniregalo mo at kahit kailan hindi niya nalilimutan ang mga importanteng okasyon tulad ng anniversary, monthsary, weeksary o birthday mo. Nakaka-inis ba? Okay lang yan, malay mo next time, hindi na siya ganun. Tipong i-aasa na lang niya sa Facebook ang iyong kaarawan. Tapos tamang post na lang sa wall mo ng “hapi bday”.

“Ang mga babae, emosyonal.” They cry about movies. They get teary with a romantic novel. They blush and gasp upon seeing a picture of a cute dog or a cuddly baby. Bakit ba ganun sila? Buti na lang tayo hindi. Kinikimkim lang naten lahat ng emosyon sa loob hanggang sa sumabog at atakihin sa puso o di naman kaya ee magpapakalasing tapos magwawala at maghahamon ng wrestling. Di ba mas logical un? Madalas pa mag-imagine na ikakasal kayo sa simbahan. Lagi nag a-iloveyou, imissyou, take care at mwah mwah sa text. Asar ka na ba at nacocornyhan? Ayos lang yan. Darating din siguro ang time na titigil siya at isesend ang mga un sa iba.


Women are probably the greatest gift to men, from God, beside beer and sizzling sisig. At para sakin, women deserve all advantages, lalo na sa pag-ibig. Sana lahat ng babae ay maging masaya ang lovelife. Sana, walang babaeng heart-broken, kasi, tayong mga lalake, we’re meant to pursue them and it’s okay if we fail from time to time. It’s the way nature intended it. Gaya ng isang leon sa usa o pag-ikot ng earth sa paligid ng araw. Mas okay kung tayo na lang ung masasaktan. Ee sila? Isipin mo, nagkakaroon sila ng “dalaw” at nababaliw kada buwan, nabubuntis at nahihirapan ng 9 months, at pinaka matindi sa lahat, kailangan pa nilang panatilihing makinis at walang buhok ang kanilang mga kili-kili. Ano ba namang pasayahin sila at gawing “scar-free” ang kanilang buhay pag-ibig.


And if you are with a great girl, do everything to make her happy. Don’t ever break her heart. Wag kang magpa-uto sa mga statistics, na nagsasabing, mas marami ang babae sa lalake, kaya okay lang mang-chiks. Ano pa bang gusto mo? Hindi pa ba sapat na minahal ka niya sa kabila ng iyong pagiging engot at kawalan ng Romantic DNA sa katawan? Malaki man ang populasyon nila sa mundo, napaka-liit ng tsansang makakilala ka ulit ng katulad niya na magtiya-tiyaga sayo.


Tandaan, pansamantala ka mang maakit ng naglalakihang pulang high-heels o maaarteng makintab na sandals, mas masarap pa ring umuwi sa nag-iisang tsinelas ng buhay mo.
###

Sinabi ko nga naman sa'yo diba na sobrang taas. Pero iisa ang maiisip mo kapag nabasa mo 'to. TAMA NGA SIYA. May punto 'yung lahat na sinabi niya. Sinikap kong hanapin ang tunay na may-ari o gumawa nitong post para naman malagyan ko ng credits pero 'di ko mahanap. Marami na rin kasing nag-repost nito kaya mahirap mahagilap ang tunay na gumawa. Pero kung sino man siya at lalung-lalo na kung lalaki talaga ang gumawa nito, SALUDO AKO. Kung minsan kasi para sa isang lalaki, may mga pagkakataong nahihirapan siyang intindihin ang babae. Eh kesyo moody, emotional, dramatic o kahit ano pang mga pang-uring gusto niyong ilarawan para sa aming mga babae, wala kaming ibang hinangad kundi ang intindihin kung sino kami. 'Yung tipong 'di mo kailangang magpanggap o sundin ang standards niya dahil sa hugis pa lang ng ilong mo o sa lapad ng mga kuko mo sa iyong mga paa eh wala nang pang-aalinlangang tanggap at mahal na mahal ka niya. Mahal ka niya kasi yun talaga ang nararamdaman niya at hindi mahal ka niya kasi maganda ka, sexy ka, bagay kayo at marami pang iba na para bang may mga kondisyones. Eh paano kung pumangit ka, tumaba ka, 'yung bumaliktad na ang lahat na nagustuhan niya sa'yo? Mamahalin ka pa rin ba niya?

Kaya kung sino man 'yang minamahal mo ngayon na sobra rin ang pagmamahal niya sa'yo, huwag na huwag mong bibitawan. Hindi siya perpekto pero dahil sa pagmamahalan niyo nagiging perpekto ang lahat. Tanggapin mo kung sino siya o kung anong meron sa kanya dahil hindi lahat ng tao ay marunong magtiyaga at kayang magtagal sa'yo. :)

Saturday, September 1, 2012

Ang Pagbabalik

Matagal-tagal na rin akong hindi nakapag-update ng blog ko. Nung 2010 pa nga ang huling artikulo na nagawa ko. Nawalan na rin ako ng oras para asikasuhin 'to dahil na rin sa pag-aaral at iba't-ibang ka-echosan pa sa buhay. Pero dahil ngayong tapos na akong makapag-aral, malamang isa na naman 'tong pampatay oras ko. Nakaka-miss. Tila nawala na 'yung skills ko sa pagsusulat lalo na sa paggamit ng wikang Tagalog. Halos araw-araw kasi, Inggles ang madalas kong gamitin lalung-lalo na sa trabaho. Pero heto, nagbabalik ulit ako. Sana nga rin, mas marami pa akong maisulat sa susunod. :)