Search This Blog

Friday, December 24, 2010

ang habangbuhay na pagsasamahan.

Ilang tao na ang dumating sa ating buhay. Pero hindi lahat sa kanila ang tumatagal. Hindi lahat sa kanila ang naging kaibigan. Hindi lahat sa kanila ang tumanggap sa tunay kong pagkatao. At mas lalong hindi lahat sa kanila ang nakakaunawa sa di maintindihan kong ugali. Oo, bibihira nga lang. At kung sino man yun sila, di ko kinalimutan kung gaano nila hinubog ang buhay ko. At di nagtagal, tinuring ko na rin sila bilang aking kapamilya.

CONOANS. Ang barkada ko na nanatili pa ring buo sa kabila ng paglipas ng panahon. Hayskul pa kami nagsimula at hanggang ngayon wala pa ring nagbabago maliban nalang siguro sa aming mga mukha. :D  At sa kabila na rin ng ma-busy na buhay mag-aaral, naglaan kami ng oras para magkita-kitang muli. Kahit sa panandaliang oras lang, basta't nagkasama-sama kaming muli. Chika doon, chika dito. Kain dito, kain doon. Sobrang saya! Hinding hindi talaga malilimutan ang araw na yun. Sinariwa ang mga ala-ala nung hayskul. Nagkwentuhan sa mga kasalukuyang pangyayari sa buhay. Nag-tsismisan ng mga "you-know-thingy". Nagkantahan at nagbigayan ng mga regalo. Maraming ala-ala ang nalikha sa pagsasamahang yun. At sana, kahit lumipas man ang kahaba-habang panahon, WALA PA RING LIMUTAN SA BARKADA.



CONOANS FOREVER.


Sunday, December 19, 2010

okey lang.

Sa ikalawang pagkakataon, naisipan kong sumali ulit ng kompetisyong AWITENISTA, ang taunang kompetisyon ng Kalasag para sa mga Atenistang mahilig lumikha ng mga kanta. Oo, isa ako dun. Di nga lang ganun kagaling. Pero sinikap ko na sa loob ng dalawang linggo, matatapos namin ang kanta. Noong una'y wala akong balak sumali dahil nakakapagod at papalapit na rin ang exam week pero pagkalaunan napag-isipan ko rin. Lalo na nung pinilit ako ng isa sa mga staff na sumali ulit at kumuha ng application form. Bumalik ako sa dati kong banda maliban nalang sa isang bago naming kasama. Isang linggo na lang, biglang bumak-awt ang lead guitarist dahil sa ibang entry na sinalihan niya. Nawalan ako ng gana. Peo buti nalang sinuportahan ako ng mga kaibigan ko na dapat kong ipagpatuloy yun. Tatlong beses lang kaming nakapag-practice. Aminado akong kulang pa pero gipit na sa panahon. Eh bakit pa kasi kung kelan malapit na dun pa gumagana ang utak kong gumawa ng kanta. Pinilit kong ipagpatuloy dahil kailangan.

Dumating ang araw ng paligsahan. Sabado, ika-18 ng Disyembre, 2010. Mga bandang alas kuwatro tinawag ang entry namin. Walang sablay maliban nalang sa sensitive na mic na fumi-feedback. Maayos ang pagkakatugtog haggang sa matapos. Pinilit kong magsaya habang kumakanta para di kabahan. Ayun, epektib naman. Sabi naman nila, okey daw. Wala namang mali. Mga bandang alas otso na nung sinabi ang resulta. Yun na nga, hanggang top 5 lang kami. Di kami nakasali sa top 3 para sa finals. Nakakapanghinayang. Sayang talaga. Ramdam ko tuloy di ko naibigay ang lahat. Parang may kulang pa. Eh paano, ganun talaga. May panalo, may talo. At di naman sa lahat ng panahon panalo ka o talo ka. Pero, OKEY LANG. ang importante nagkaroon ng kasiyahan at pagsasamahan sa banda. Di man nakasali sa finals, di naman ibig sabihin na di kami magagaling. May panahon rin kami balang araw. :D

During the finals of 23rd Awitenista.

Sunday, November 28, 2010

Umaga pa lang umalis na ako ng bahay para pumunta sa isang lugar na malayo sa kinagisnan. Ibig kong sabihin, yung lugar na hindi ko pa talaga napupuntahan at ang pinakakaasam-asam ko ring puntahan. Mga dalawang oras lang naman ang layo galing sa bahay. Inilaan ko ang araw na ito para makapagnilay at makasama siya ng buong isang araw.

Maganda ang lugar. Nasa itaas kasi ng lungsod ng Dabaw. Mainit nga lang kapag tanghali dahil bihira lang dumalaw ang hangin. Wala kasing gaanong mga puno basta sabdibisyon. Malaki-laki naman din. Kitang-kita mo ang naglalakihan mga bundok. Di ko nga alam kung Mt. Apo ba yung nakikita dun sa harapan ng bahay na pinuntahan namin. Dahil walang ibang magawa, sinubukan kong tumugtog ng pyano. Pinilit kong matuto kahit alam kong mali-mali ang pagkakatugtog. Okey lang. Nasa tono pa naman din kahit papaano. Buti nalang, mahilig din sa musika ang boyfriend ko. Mas lalo kaming nagkakaintindihan kapag iyan ang pinag-uusapan.
sinisikap na tumugtog. :)


Tayming, nasa mood ang boses ko. Gumawa kami ng cover ng kanta ni Yeng Constantino na Jeepney Love Story. Kahit medyo sintonado pero payts na.

Magjo-joy ride sana kami gamit ang motorsiklo ng tiyo niya ngunit hindi naiwan ang susi. Pinasyal nalang namin ang buong Decca homes. Malaki-laki nga. Hindi mo alam kung nasa lungsod ka o bukid dahil sa sobrang tahimik at marami pang malalaking damuhan. Madalas sa mga bahay na nandun ay maliliit. Yun bang tama-tama lang para sa isang pamilya na may apat o limang miyembro. Pero kung ako ang tatanungin, hindi siya tama-tama para sa akin. Naliliitan at nasisikipan ako. Hindi naman sa sinasabi kong malaki ang bahay namin pero yun bang malaki-laki rin kahit papaano ang distansya ng sala at kusina. Kung ikukumpara dun, naku! Kailangan talagang palagyan mo ng extension ang bahay. Pero kung matitirhan lang naman ang pag-uusapan, okey naman din. Mainit sa tanghali pero malamig kapag gabi at madaling araw. Gusto ko nga sanang makapag-overnight dun para matunghayan ko ang pagsikat at paglubog ng araw. Malamang, sobrang ganda siguro ng view dun.

ang paglubog ng araw bandang alas kuwatro.



Inabutan kami ng gabi dun hanggang sa umulan nalang. Hinintay nalang muna namin tumila ang ulan. Kumain ng hapunan at saka umuwi na. Baka balang araw, makakabalik ulit ako dun. At hihintayin ko ang pagkakataong yun. :D

Wednesday, November 24, 2010

depressed times two.

de·pressed. adj. : low in spirits : sad; especially : affected by psychological depression. Ang kahulugang binigay saken ng Merriam Webster Dictionary sa internet. Yun na nga, depressed ako! as in times two! kung pwede pa nga to the power of two!

Una, mababa ang nakuha kong grado sa isang research paper namin sa isang meydyor na asignatura. Hindi ko inasahan at lalung-lalo hindi ko ninanais ang ganung resulta. hindi naman kasi mahirap pero bakit ganun pa rin? May naalala tuloy akong kanta, "i did my best but i think my best wasn't good enough..." (emo much). At dahil dun, di ko talagang mapigilang manlumo at umiyak. Kahit pa pinipilit kong sabihan ang sarili ko na unang pagsubok pa lang naman yun ngunit walang epekto pa rin. Nagiging high standard na kasi ako. Gusto ko lahat MATAAS ANG GRADO. Hindi dahil sa nangangarap ako kundi yun dapat ang maabot ko. PERO tila nakakawalang gana na. Hindi ko alam. Parang ang sarap nang tumigil. PERO nangako rin ako sa sarili ko na tatapusin ko ang aking nasimulan. Hay buhay! Unti-unti akong pinapatay! T.T

Ikalawa, hindi pumasa si Jan sa board exam niya. Nakakalungkot. Alam ko kung gaano niya pinaghirapan yun. Alam ko rin na ginawa niya ang lahat. Ngunit, waring hindi pa oras. May kulang pa. At kung ano man yung kulang, yun ang dapat niyang punuin sa susunod. Pero tulad ko, dapat din niyang tapusin ang lahat. Malay natin, nasa good mood ang Diyos para mamigay ng biyaya.


Mga pagsubok sa buhay. Unti-unti na namang dumarami. Parang mga virus. Pero pangako namin na sa huli, magtatagumpay din kami. Balang araw, luluhod at luluhod din sa amin ang mga bituin sa langit. :D

Sunday, November 21, 2010

A Way to Enlightenment

Umagang-umaga nakatutok na ako sa harapan ng kompyuter namin. At hindi dahil para mag-facebook kundi para tapusin ang dapat tapusin nang reconstruction paper na pinapagawa sa amin sa isa naming meydyor na asignatura. Kailangang tapusin dahil mamaya hanggang bukas ay dadalo kami para sa aming retreat. Oo, retreat nga. Yun bang parang oras para sa mga mag-aaral na katulad namin na kinakailangan ng breyk muna matapos ang sandamakmak na mga paperworks sa paaralan. Ngunit kahit alam namin na hindi pa sapat ang breyk na yun pero ayos na basta't makapag-pahinga muna ng panandalian ang mga utak namin.

Retreat. Ito yung kinaasam-asam ng mga studyante maliban dahil sa walang klase ay aasahan mo rin na maraming kang makakain. Isipin mo ba namang anim na beses sa isang araw kayo kakain. Agahan, meryenda, tanghalian, meryenda, hapunan tapos midnight snacks. Kitams? Syempre lulubusin mo yun para sulit din ang binayad ng mga magulang mo dun diba? Isang dahilan pa ay ang mga bonding moments sa mga kaklase mo. Kahit parati na kayong magkasama sa klase, limang araw sa isang linggo, pero iba talaga yung makasama mo sila ng beynte kuwatro oras sa iisang bubong. At inaasahan ko yan mamaya.

Ano kaya kahihitnatnan namin dun? Maging memorable kaya? Masaya? O boring?

Bahala na. Basta, lulubuslubusin ko yun!

Wednesday, November 17, 2010

dahil walang magawa.

Oo, bored ako. Kung tutuusin marami na akong nagawang mga blogs. Ngunit sa ngayon, napag-isipan kong gumawa ng official blogsite. Mahal na mahal ko ang wikang Filipino kaya itong wika ang ginagamit ko. Maliban sa nakagawian na, hindi rin ako ganun kagaling sa wikang Inggles. :) 

Mag-aalas onse na pala sa orasan namin. Sabi ko sa sarili ko na alas nuwebe dapat tulog na ako. Ngunit heto pa rin at nakahilera ang mukha sa harapan ng kompyuter. Maliban sa di makatulog, may isang taong sobrang miss ko na. Yun bang pakiramdam na parang gusto mong puntahan pero di pwede dahil may usapan kayo. OO, usapan. Pinag-usapan naming di magkikita ng halos isang linggo para sa kanyang nalalapit na C.E. bord eksam. Wala akong magawa kundi umu-o sa sinabi niya nung Linggo. Tanggap ko naman din. Magkikita pa naman din kami sa susunod na linggo, diba? OKEY LANG. PAYTS NA. basta't makapag-isip siya ng mabuti at nang di ko siya madistorbo. 

Ilang araw nalang, matatapos na rin ang kalbaryo niya. Nawa'y matupad na niya lahat ng kanyang mga pangarap. Jan, IMY. ILY. :D





Paghusayan at pagbutihin mo ha? Ganbatte! :D