Minsan ka nang nagmahal. Minsan ka nang nangarap sa isang matagalang relasyon. Minsan ka nang naging masaya sa buhay pag-ibig. Minsan ka na ring nasaktan.
Parang kailan lang ano? 'Yun bang halos bahain mo yung wall niya sa Facebook para lang sabihin kung gaano mo siya kamahal. 'Yun bang paggising mo sa umaga, makakatanggap ka lang ng good morning text niya ay buong-buo na ang araw mo. 'Yun bang mga oras na kasama mo siya ay ang pinakamasayang panahon sa buhay mo. 'Yun bang hahalikan ka niya sa noo at pisngi hanggang sa labi, mararamdaman mo kaagad kung gaano ka niya kamahal. 'Yun bang hahawakan niya ang isang kamay mo habang naglalakad kayo na para bang ayaw niyang bumitaw sa iyo. 'Yun bang magjo-joke siya na kahit minsan corny pero sobrang laki pa rin ng ngiti sa mukha mo. 'Yun bang magku-kwentuhan kayo at maalala niyong dalawa 'yung unang araw na nagkakilala kayo. 'Yun bang kakantahan ka niya na may dalang gitara na para bang naghaharana lang. 'Yun bang 'yung nararamdaman mo sa kanya nung bago pa lang naging kayo ay mas lalong lumalalim habang tumatagal kayo. 'Yun bang umabot kayo ng halos na tatlong taon sa kabila ng away-bati na relasyon. 'Yun bang kahit nag-aaway kayo na parang aso't pusa, sa bandang huli hindi niyo pa rin matiis ang isa't-isa. 'Yun bang hanggang pagsusulat at pag-aalala nalang sa mga panahon na kasama mo siya ang tangi mong magagawa dahil alam mo na ni kailanman, di na kayang maibalik pa ang nakaraan. Dahil alam mo, TAPOS NA ANG LAHAT. Dahil alam mo, hindi ka niya kayang ipaglaban. Dahil alam mo, hinding-hindi na siya babalik pa sa'yo. Dahil alam mo, gusto na niyang magmahal ng iba.
Oo, masakit. Basic nga lang diba? Parang kagat lang ng langgam. Pero sana ganun lang kasimple 'yung sakit. Nang sa gayon, ganun din kasimple ang makalimot at magmove on. Hindi eh, hinding-hindi. Para bang kailangan mong lumusot muna sa butas ng karayom na parang naglilimbo-rock bago mo marating ang finish line. Ngayon, masasabi mo pa kayang basic lang?
Ganyan ang buhay, parang life. Sa tuwing may umaalis, alam nating may bagong darating. Baka mamaya, bukas, sa susunod pang araw, sa susunod na buwan o di kaya sa susunod pang taon. Basta, may darating, tiwala lang. Pero habang di pa siya dumarating, hayaan mo muna ang sarili mo na magnilay-nilay. Ramdamin ang sakit pero huwag dibdibin. Tanggapin ang sinapit pero huwag maglukso. Okay lang masaktan, umiyak, magdrama, magpost ng mga status sa mga social media na para bang aakalain mo kung gaano na kabigat ang problema sa buhay at lalung-lalo na, okay lang ang magparinig sa taong nang-iwan sa iyo at ipakita sa kanya kung gaano niya sinayang na pakawalan ang isang "rare specie" na katulad mo. Pakialam nila kung hindi ka pa naka-move on. Sila nalang kaya maging ikaw? Ano na?
Basta parating alalahanin lang, may expiry date rin yang pag-eemote mo. Huwag mag-overdue dahil, naku! Malubhang ka-engotan na yan sa pag-iisip. Hindi mo naman din masasabi kung ano ang eksaktong haba basta dapat marunong kang maglagay ng tuldok. Mahalin mo rin yang sarili mo kahit papaano. Isipin mo nalang na sa bilyung-bilyong tao sa mundo na namumublema dahil walang makain, walang matirhan, walang nag-aaruga, ikompara mo nga yung problema mo na iniwanan o pinagpalit ka lang ng taong mahal mo. Ang layo diba? Isang gramo lang sayo, ilang kilo na 'yung bigat ng problema nila.
It will be difficult at first but in the end, all the pains are worth it, ika nga nila. Life goes on. Isang pagsubok lang yan na ilang tao na ang nakaranas at nagtagumpay na malampasan kaya 'wag mong solohin ang problema. Ang mahalaga ay importante. Hindi, eto seryoso na. Ang mahalaga, may natutunan ka sa mga naranasan mo. Dahil kung hindi ka nasaktan, hindi ka magiging matatag sa susunod pang hamon sa buhay. Dahil ang problema, hinding-hindi 'yan mawawala pero pwedeng-pwede mong talunin sabay wagayway ng bandila at kumanta ng "We Are The Champions" ng Queen. ###